Tungkol sa mga ad na ito

Si Ferdinand E. Marcos at ang Panitikang Filipinas

IMELDA MARCOS, kuha ni Bobby Añonuevo

IMELDA MARCOS, kuha ni Bobby Añonuevo

Mananatili ang bangungot sa Filipinas hangga’t hindi naisusulat nang ganap ang panahon ng diktadura ni Pang. Ferdinand E. Marcos. Si Marcos ang ultimong politiko na bihasa sa paghawak ng kapangyarihan, ang kapangyarihang tatagos sa negosyo, militar, simbahan, edukasyon, mass media, barangay, sining, isports, turismo, ugnayang panlabas, timpalak pangkagandahan, imperyalismong US, rebolusyon, at ang pinakasukdulan ay ang Aklasang Bayan sa EDSA. Ngunit hindi basta diktador si Marcos. Isa siyang intelektuwal na diktador, de-kalibre at pandaigdigang uri, na kaiinggitan nina Fidel Ramos at Gloria Macapagal-Arroyo.  Maalam sa mga batas mulang pamahalaang lokal hanggang United Nations si Marcos, at magiging alamat ang kaniyang husay bilang abogado, mambabatas, at kung minsan, hukom, sa kinabukasan ng kaniyang mga alagad at kalaban. Upang mapanatili ang kapangyarihan, ipakikilala ni Marcos sa buong sambayanan ang Batas Militar.

Pangunahing tesis ng pagtataguyod ng Batas Militar ang pagsugpo sa armadong pag-aaklas mulang dulong kaliwa hanggang dulong kanang puwersa; ang pagsupil sa mga armadong Morong ibig magtaguyod ng bukod na nasyon; ang pagkontrol sa mga pribadong hukbo, oligarkikong ekonomiya, at sindikatong kriminal. At higit sa lahat, ang paglutas sa piyudal na ekonomikong sistema. Hindi ko nakita ang ganitong kasinop na malikhaing pakana sa kasalukuyang administrasyon, na handang lumagda sa tratado na parang ang “tratado” ay isang banyagang lahok sa diksiyonaryo; na handang mag-alaga ng mga niresiklong politiko o negosyanteng animo’y galing sa kung saang pasugalan; na handang makipagsayaw sa simbahan na para bang umiiral pa ang panahong piyudal.

Krus sa Laot, kuha ni Beth Añonuevo

Krus sa Laot, kuha ni Beth Añonuevo

Maghahain si Marcos ng bagong pilosopiya at ideolohiya, at itatatag ang “Bagong Lipunan.” Ngunit gaya ng dapat asahan, magbabago lamang ang mga pangalan ng maykapangyarihan, at ang “bago” ay mananatili hanggang ngalan lamang. Kakainin si Marcos ng sarili niyang mga tuta, mga tuta na higit na mabalasik sa bulldog at handang lamunin ang kaniyang anino, kayamanan, at alaala. Isusumpa si Marcos hanggang langit, patatalsikin ng libo-libong Filipino na sawa na sa dahas at korupsiyon, itatakas nang palihim ng kasapakat ngunit taksil na hukbong Amerikano tungong Hawai’i, lilitisin sa hukuman ng Amerikang nais sakupin ang hurisdiksiyon ng Filipinas, mamamatay nang malayo sa Tinubuang Bayan, at maglalaho nang tahimik sa gunita ng kaniyang mga loyalista. Subalit ang kataka-taka’y hindi pa nalilitis nang lubos ang pamanang iniwan niya sa sambayanan magpahangga ngayon.

Si Imelda na kabiyak ni Marcos ang magpapagunita sa atin ng nakaraan. Ididikdik niya sa ating utak ang ringal sa gitna ng kagutuman, ang halimuyak sa gitna ng mga langaw at alingasaw ng kamatayan, ang halina sa gitna ng panggigipit at di-maipaliwanag na balasik ng militar. Ipagugunita ni Imelda ang pangingibang-bayan ng mga Filipino para magtrabaho. Ibabalik niya sa atin ang mga impraestruktura mulang ospital hanggang plantang nuklear, ang patakarang kolonyal sa bisa ng pakikipag-alyadong militar sa Amerika, at ang pagbabantay ng mga isla laban sa mga kapit-bansa sa atas ng kalayaan o kasarinlan. Libakin siya, at kabitan ng mga pangalan, gaya ng “Imeldipiko” o “Imeldious,” ngunit isang ngiti lamang niya ay sapat na upang maging sampal sa nanlilibak. Hihiyain tayo ni Imelda dahil sa ating uri ng katarungang usad-pagong, sa ating uri ng makitid, panlabas na kasaysayan, sa ating ekonomiyang walang malinaw na bisyon, at sa ating uri ng panitikang-bayang hindi makaigpaw sa pagsipi sa mga pahayagan.

Marahil kailangan nating lumikha ng higit na makabuluhang panitikan. Ang panitikang makaiiral nang bukod sa kasaysayan, at mababaligtad ang mga bayani at ang mga salarin, at mapaghuhunos ang bayang nanggigitata sa hirap at pandurusta. Na masasabing ambisyosong proyekto. Naisip ko lamang ito habang tumotoma at kapiling si Teo, at kapuwa namin nadama ang paghahanap ng mga istoryador at panitikero, na handang magsulat sa Filipino para sa mga Filipino, may bagyo ma’t may rilim sa ating mga puso’t paningin.

Tungkol sa mga ad na ito

Isang Tugon

  1. Wasto po ang inyong mungkahi, lumikha ng higit na makabuluhang panitikan, at iyan ay lubus lubusang maisasagawa ng mga makaranasang mga manunulat at mga kinikilalang haligi ng panitikang Pilipino. Kasama po diyan si Sir Teo Antonio na inyong kainuman na nakadama ng pangangailangan ng mga isotryador at pantikero – sa kabilang banda, hindi na ninyo sila hahanapin dahil kilala naman natin ang mga magagaling na manunulat na buhay pa ngayon at nakasaksi sa kasasayan ng sinasabi ninyong pagiral ng panitikan at mapaghuhunos ang bayang nanggigitata sa hirap at pandurusta. Sa galing po ninyong magsulat sa Pilipino, kayo lamang po ay kaya nang magsulat ng mga katotohanan sa panahon ni Marcos sapagkat malapit naman kayo sa mga personaheng makapag-aambag sa tunay na pangyayari noong panahon ng Martial hanggang sa pagbagsak ng diktador… Iyan ay kung handa kayong maisulat kung sinusino ang tinutukoy ninyong “” ang mga bayani at ang mga salarin, “”

Mag-iwan ng Tugon

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Palitan )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Palitan )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Palitan )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Palitan )

Connecting to %s

Follow

Get every new post delivered to your Inbox.

Join 162 other followers

%d bloggers like this: