Magugunita ang toreng kambal
na naglalagos sa laksang maláy:
Dalawang tirík, mapulang sungay
na sumusuwag sa aming bahay
at gumigiba ng munting bayan
upang angkinin ang aming buhay.
O dili kaya’y gusaling garing
na pinaguho ng mga martir;
habang ang tili ng mga lawin
ay nilalamon ng ulop, dagim.
At magbabalik ang digma’t lagim
upang ubusin ang yutang kafir
sa mundo nina Bush, Blair, at Sharón.
Filed under: panitikang Filipino,Tulang Filipino Minarkahan: | 9/11,himagsikan,jihad,kafir,Setyembre 11,terorismo,tula
