About these ads

Apokripos ng Bagong Baklang Bumabangon

Kumukurot sa guniguni, kung hindi man sa utong, ang Apokripos (2006) ni Jerry B. Gracio na dapat subaybayang makata at manunulat ng panahong ito. Bagong baklang bumabangon sa paningin ang ipinamamalas ni Gracio sa kaniyang mga tula, at yumuyugyog sa dati nang de-kahong pagtingin sa mga bawal na pag-ibig, makahayop na pagnanasa, at matimyas na pagsasama ng magkasintahan, mag-ama, mag-asawa, magkaibigan, magkakilala, at iba pa. Ngunit higit pa rito, ang ugnayan ng mortal at inmortal na diwain ay ipinamalas sa dulong aklat, at waring pumupuno sa bawat puwang na hindi kailanman maitititik sa mga sagradong aklat ng pananampalatayang espiritwal.

Ngunit lumalampas sa orihinal na pakahulugang Griyego ang Apokripos ni Gracio. Ang nasabing aklat ay hindi basta nanunulay sa “lihim” o “lingid” na kaakuhan o kaisipan, o kaya’y sa di-kanonigong kathang kaduda-duda ang ugat ng pagkakasulat o ng may-akda. Pinaksa ng makata sa kaniyang mga tula ang mga ugnayan ng mga tao habang isinasaalang-alang ang laro ng puwersa at pananaw ng mga tauhang maaaring anak, deboto, kabit,  lasenggo, partisano, puta, tambay, at higit sa lahat, alagad ng sining. Wala sa epektong moralistiko ang halina ng mga tula, bagkus sa masining na pagtitimpla ng mga hulagway at pangyayaring sininop wari ng alkimista. Estratehiko kahit ang paglalarawan o pagsasalaysay ng bawat lunan, at ang lunan ng diyalohikong agos ay hindi lamang sa pisikal na antas, bagkus maging sa antas ng isip o kalooban ng bawat tauhan.

Hinati sa apat ng panig ang aklat. Ang unang panig ay tumutuon sa ugnayan ng magkaibigan o magkasama, na ang dualistikong ugnayan ay humahangga sa di-tiyak, at hindi laging itim-puti, positibo-negatibo, at babae-lalaki ang makapagpapasindi ng patay na damdaming maaaring nangungulila, nasisiyahan, namimighati, nanlulumo, o nalilibugan. Ang ugnayan ay maaaring pagtatambis ng mga pambihirang kulay na gaya ng sa kambas ni Vincent Van Gogh, na ang dilaw ay mababagayan ng kahawig na kulay, at gaya ng dapat asahan, sa pagtitimpla ng mga berde tumitingkad ang eleganteng kabaklaan, kahit sa loob ng kilusan o sa gilid ng pantalan.

Ang ikalawang panig naman ay hinggil sa ugnayan ng magulang-anak, at sa pagkakataong ito, ang ugnayan ng puwersa at estado ng bawat isa ay masisipat hindi lamang sa relasyon ng pagmamay-ari ng kasangkapan sa produksiyon, gaya sa pananaw ng Marxista, bagkus maging sa relasyon ng pagbubukod ng anak sa magulang, upang ang anak ay maghunos sa pagiging anak, o ang magulang ay maghunos ng higit sa papel ng magulang. Mababanggit ang mga piyesang “Pagbasa,” “Isda,” at “Paglalanggas” na pawang maitatangi sa iba.

Ang ikatlong panig ng aklat ay maaaring sipating estribilyo ng unang panig, ngunit sa pagkakataong ito’y lumilihis ang paksa sa pag-iisa, na maaaring tumutukoy sa soltera, kerida, balo, puta, at kolboy. Samantala, ang mga bahagi ng katawan, gaya ng bulbol, dibdib, uten, at puke ay hinubdan ng mga nakaaasiwang moralistikong damit o taguring pang-agham upang ilantad ang selebrasyon ng sukdulang pagkakarat at pagmamahal.

Pinakasolido ang ikaapat na panig ng aklat, at sa pagkakataong ito, gumamit ng mga biblikong alusyon si Gracio upang itampok ang mga kabatiran niya sa mga puwang na posibleng naganap ngunit hindi maaaring mailangkap sa sagradong aklat. Ang mga tauhan ni Gracio ay tahasang humaharap sa kani-kaniyang mga diyos, at nagbubunyag ng mga kakatwang pananaw kung iba ang anggulong pinagmumulan nina Lazaro, San Juan, Hesus, Zaqueo, Satanas, Magdalena, at ng mga kaugnay na bagay, tulad ng kopa, káyong lino, krus, at templo.

Makabubuo ng apat na salamin sa apat na panig, na kapag inilatag ay maaaring maging banig, o parisukat na kahong salaming makapagbibigay ng apat na antas ng pakahulugan at paghihiwatigan.

Kinasangkapan ni Gracio ang himig na kumbersasyonal, at ang maganda’y tinumbasan niya iyon ng masidhing pagtitimpi at tantiyadong pananaludtod, kaya lumilihis na ang kaniyang deklarasyon sa mga tula ng gaya nina Danton Remoto, Nick Pichay, at J. Neil Garcia. Masinop sa salita at matalim manalinghaga, si Jerry B. Gracio ay hindi basta baklang makata o makatang nagkataong bakla. Kung susumahin, matutuklasang wala namang kasarian ang kaniyang sining, at testamento ang kaniyang Apokripos sa lalim, lawak, at lawas ng panulaang Filipino sa nagbabagong panahon.

About these ads

Ang Manipestong Komunista sa Dila ng Filipino

Ginugunita ngayong taon ang ika-160 pagkakalathala ng Ang Manipestong Komunista  (1848)  na pinaniniwalaang magkatuwang na kinatha nina Karl Marx at Friedrich Engels, ngunit napakatahimik sa Filipinas, at inisip kong nakaligtaan na nang lubos ang akdang umugit nang malalim sa kamalayan ng organisadong hanay ng mga manggagawang Filipino. Maaaring lipas na para sa iba ang ganitong akda, samantalang korni na para sa mga linyadong mag-isip. Gayunman, paborito pa rin ang Manipesto sa hanay ng mga estudyanteng nasa hay-iskul, dahil napakanipis at magandang paglunsaran ng rebyung hinihingi ng paaralan.

Naisip kong manghimasok bilang tagasalin kahit hindi ako Marxista o Komunista. (May ilang ginawang salin o halaw nito sa Filipino, na gusto ko mang sipiin ay hindi maaari dahil ayokong lumabag sa karapatang intelektuwal ng tagasalin. Maihahalimbawa ang isang salin sa Filipino sa Philippine Revolution.net na mairerekomendang basahin ng mga estudyante.) Sinubok kong isalin sa eleganteng Filipino ang naturang akda, at sipiin at piliin mula roon ang mga inmortal na kataga, para sa mga Filipinong mahilig magbasa sa Filipino. Kung ano man ang pagkukulang nito ay hinahayaan ko kayong ituwid, palawigin, at linawin para higit na maunawaan ng uring manggagawa sa Filipinas ng kasalukuyang panahon.

Ang burges (bourgeois), para kina Marx at Engels, ay mga tao na kabilang sa uri ng modernong kapitalista, ang may-ari ng kasangkapan sa paggawang panlipunan, ang nangungupahan o maypatrabaho ng lakas-paggawa. Kasalungat nito ang proletaryo, ang mga tao na kabilang sa uri ng modernong manggagawa na walang kasangkapan sa produksiyon, at kinakailangang ipagbili o ipangupahan ang sariling lakas, gawa, at talino upang mabuhay. Ang tunggalian ng dalawang uri ay maaasahan, dahil hindi patas ang lipunan. Hinamig ng burgesya ang yaman at kapangyarihan sa lipunan, at ang tanging paraan upang maangkin muli ng proletaryado ang lahat ng inagaw na yaman at kapangyarihan sa kanila ay sa pamamagitan ng rebolusyon.

Heto ang aking malayang salin, at kayo na humatol kung karapat-dapat akong tawaging salarin:

Ang Manipestong Komunista
Isang pangitain ang bumabagabag sa Europa—ang pangitain ng komunismo. Lahat ng kapangyarihan sa lumang Europa ay nagsanib upang tugisin at palisin ang ganitong pangitain: Papa at Hari, Metternich at Guizot, Radikal na Pranses at Alemang espiyang pulis.

Nahan ang partidong sumalungat nang hindi tinuligsang maysa-komunista ng mga kalabang nasa kapangyarihan? Nahan ang oposisyong hindi ginantihan ng mapang-usig na taguri sa komunismo laban sa mga higit na abanseng partido, gayundin sa mga reaksiyonaryong kalaban nito?

I. Burges at Proletaryo
Ang kasaysayan ng lahat ng umiiral na lipunan ay kasaysayan ng tunggalian ng mga uri.

Timawà at alipin, maharlika at kasamá, maylupa at tauhan, mangangalakal at panday, kumbaga’y nang-aapi at inaapi, ang malimit nagbabanggaan nang tuloy-tuloy, kung minsan ay lantad at kubli kung minsan, na nagwawakas sa rebolusyonaryong pagbubuo ng lipunan, o sa karaniwang pagkawasak ng mga uring nakikibaka.


Nabigong pawiin ng makabagong lipunang burgis—na sumupling mula sa mga guhô ng lipunang piyudal—ang bakbakan ng mga uri. Itinatag lamang nito ang mga bagong uri, ang mga bagong kalagayan ng panunupil, ang mga bagong anyo ng pakikibakang hinalinhan ang mga nauna.

Malinaw itong itinatampok ng ating panahon, ng panahon ng burgesya: Pinapayak lamang ang labanan ng mga uri. Lalo lamang nabibiyak ang kabuuan ng lipunan ngayon sa dalawang malaki’t magkasalungat na panig, sa dalawang malaking uri na tahasang magkaharap: ang burgesya at ang proletaryado.


Mababatid natin, samakatwid, kung paanong ang makabagong burgesya ay bunga mismo ng mahabang agos ng kaunlaran, ng serye ng mga rebolusyon sa anyo ng produksiyon at ng kalakalan.


Hinubad ng burgesya ang dangal sa bawat hanapbuhay na dáting dinadakilà at tinitingalâ nang may pagkamanghâ. Napaghunos nito ang manggagamot, ang abogado, ang pari, ang makata, ang siyentipiko bilang mga upahang manggagawa.


Hindi makaiiral ang burgesya nang hindi patuloy na pinahuhusay ang mga kasangkapan sa produksiyon, at ang mga ugnayan sa produksiyon, saka ang kabuuang mga ugnayan sa lipunan.


Ipinailalim ng burgesya ang kanayunan sa kapangyarihan ng mga lungsod. Lumikha ito ng malalaking lungsod, pinalobo ang populasyon ng kalungsuran kung ihahambing sa taglay ng kanayunan, at hinango ang malaki-laking bahagi ng populasyon mula sa kamangmangan ng buhay-lalawigan. Kung paano nito pinasandig ang nayon sa lungsod, hinubog din nito ang ilahás at di-ganap na mauunlad na nayong sumandig sa mga sibilisadong nayon, ang mga bansa ng magsasaka doon sa mga bansa ng burges, ang Silangan doon sa Kanluran.


Sa lahat ng uring humarap nang tandisan sa burgesya ngayon, tanging proletaryado lamang ang tunay na uring rebolusyonaryo. Nabulok ang ibang uri at ganap na naglaho sa harap ng modernong industriya; ang proletaryado ang tangi’t mahalagang produkto nito.


Hindi na makapamumuhay ang lipunan sa lilim ng burgesya, sa madali’t salita, hindi na katugma ng burgesya ang lipunan….

II. Proletaryo at Komunista
. . .Hindi bumubuo ng bukod na partido ang mga komunista na kumakalaban sa iba pang partido ng uring manggagawa.

Wala silang interes na bukod at hiwalay sa taglay na interes ng proletaryado sa kabuuan.

Hindi sila bumubuo ng anumang prinsipyong sektaryo, at doon huhubugin ang kilusang manggagawa.


Upang maging kapitalista, kailangang taglayin hindi lamang ang pansarili, bagkus ang panlipunang kalagayan ng produksiyon. Ang puhunan ay kolektibong produkto, at tanging sa sama-samang pagkilos ng laksang kasapi, o sa pangwakas na paraan, tanging sa nagkakaisang pagkilos ng lahat ng kasapi ng lipunan mapaaandar iyon.

Ang puhunan, samakatwid, ay hindi pansarili bagkus panlipunang kapangyarihan.


Walang bansa ang mga manggagawa. Hindi natin maaagaw sa kanila ang wala sa kanila. Yamang ang proletaryo ay kailangan munang hamigin lahat ang kapangyarihang pampolitika, umangat at maging pangunahing uri ng bansa, buuin ang sarili bilang bansa, iyon lamang ang matataguriang pambansa, bagaman hindi sa pakahulugan ng burges.


Nakita natin na ang unang hakbang sa rebolusyon ng uring manggagawa ay iangat ang proletaryo sa posisyon ng naghaharing uri upang maipagwagi ang laban ng demokrasya.

Gagamitin ng proletaryo ang kapangyarihang pampolitika nito upang maagaw, sa anumang antas, ang puhunan mula sa burgesya; gawing sentralisado ang lahat ng kasangkapan ng produksiyon at ipasakamay sa estado, i.e., ng organisadong proletaryado bilang naghaharing uri; at pataasin ang kabuuang produktibong puwersa sa mabilis na paraan hangga’t maaari.

III. Sosyalista at Komunistang Panitikan
. . .Yamang ang pag-unlad ng tunggalian ng uri ay sumasabay sa pag-unlad ng industriya, ang kalagayang pangkabuhayan, sa tingin nila, ay hindi pa nakapaghahain ng kondisyong materyal para sa ikalalaya ng proletaryado. Naghahanap samakatwid sila ng bagong agham panlipunan, ng bagong panlipunang batas na pawang lilikha ng ganitong mga bagong kondisyon….

IV. Posisyon ng mga Komunista kaugnay ng iba’t ibang umiiral na Partidong Oposisyon
. . .Ipinaglalaban ng mga Komunista ang pagkakamit ng mga kagyat na layon, upang maisakatuparan ang pansamantalang interes ng uring manggagawa; ngunit sa kilusan sa kasalukuyan, kinakatawan din nila at pinangangalagaan ang kinabukasan ng naturang kilusan. . . .


Ang mga Komunista saanmang dako ay sumusuhay sa bawat rebolusyonaryong kilusan laban sa umiiral na panlipunan at pampolitikang kaayusan ng mga bagay.


Tumatanggi ang mga Komunista na ikubli ang kanilang pananaw at lunggati. Tahasan nilang inihahayag na ang kanilang layon ay makakamit lamang sa sapilitang pagpapatalsik ng lahat ng umiiral na panlipunang kondisyon. Hayaang mangatal ang naghaharing uri hinggil sa rebolusyong maka-Komunista. Walang mawawala sa mga proletaryo kundi ang kanilang mga tanikala. Nariyan ang daigdig para maangkin.

Mga manggagawa ng lahat ng bansa, magkaisa!

Manipis man ang Ang Manipestong Komunista ay lumikha naman iyon ng daluyong sa buong daigdig, at bumago sa mga namamayaning pananaw hinggil sa pagbasa ng kasaysayan at sa pagsasaalang-alang sa relasyon ng mga uring panlipunan. Walang dapat ikatakot hinggil sa akdang ito, at ang pagbabasa nito, sa orihinal mang Aleman o Pranses, o kaya’y sa saling Filipino o Ingles, ay makapapawi ng ating kamangmangan at prehuwisyo sa mga kaisipang sungayan, mula man iyon sa mga rebelde’t tiim-bagang na intelektuwal.

Kailangan ng Filipinas ang mga bagong intelektuwal, gaya nina Marx at Engels, ngunit dapat higtan din ang romantisadong pananaw hinggil sa mga uring anakpawis at manggagawa, at sa mga naturang teoriko. Maaaring magsimula ang lahat sa masusing pag-aaral hinggil sa agos ng kasaysayan, sa ugnayan ng mga puwersa sa lipunan, at sa pagsubaybay sa mabibilis na pagbabagong nagaganap sa iba’t ibang lárang. Hindi tayo dapat manatiling nanghihiram palagi ng teorya at lenteng mula sa Europa at Amerika, dahil iba ang kondisyon dito sa Filipinas na nagkataong nakapaloob din sa Asya. Ang mga bagong intelektuwal na Filipino ay inaasahang patuloy na bubuo ng mga sariwang teorya at pag-aaral para sa pagsulong ng bagong Filipinas, at iyon ay maaaring lumihis nang ganap, o kaya’y lumikha ng kahanga-hangang sanga, sa gaya ng pananaw na Komunismo o Marxismo, at magtakda ng sariling pamantayan at katangian, subalit may kakayahang magtampok ng ating pagiging Filipino.

Panitikan at Pagsilang

Parola ang panitikan.Unti-unting naglalaho sa akademikong kurikulum mulang elementarya hanggang hay-iskul ang panitikan, ngunit waring hindi nababahala ang mga awtoridad. Marahil, naiisip din nilang wala naman talagang halaga ang panitikan sa ating buhay, at isa lamang iyong paraan ng pang-aliw sa sinumang nababato’t walang magawang tao. Ngunit ibig kong maghain ng ilang argumento—kaugnay ng unang binanggit ni Mario Vargas Llosa sa Thailand noong 2002—hinggil sa bisa ng panitikan upang mabuhay.

Panitikan ang magbubukas sa atin ng paningin. Kung ang mga lárang, gaya ng medisina, inhinyeriya, batas, ekonomiya, at estadistika ay sumasapit sa yugto na labis na espesyalisado ang mga kodigo, wika, at panuto tungo sa pinakamaliliit na bagay—at nagdudulot upang pagpangkat-pangkatin ang mga tao—ang panitikan sa kabilang dako ay humahatak sa mga tao na tingnan ang daigdig sa kabuuan, ani Llosa. Sa panitikan, matututo tayong makibahagi sa damdamin, iniisip, o nilulunggati ng ibang tao saanmang bansa’t anumang panahon ang kaniyang kinalalagyan.

Basahin si Francisco Balagtas at mauunawaan natin ang bait at katwiran sa gitna ng panlulupig at kaapihan. Basahin si Jose Rizal at mauunawaan natin ang lipunang batbat ng lagim at rebelyon. Basahin si Aurelio Tolentino, at mauunawaan natin ang mga pagtutol sa mga relihiyong bumubulag sa isip at lumulumpo sa loob ng mga deboto. Basahin si Lope K. Santos, at mauunawaan natin ang makamandag na halina ng sugal. Basahin si Rio Alma, at mababatid natin ang kapangyarihan ng pagbabalik sa minulan at pagbubuo ng bagong Filipinas.

Mabisa ang panitikan sa pag-arok ng sukdulan ng pag-ibig, sex, at erotika, kung hihiramin ang dila ni Llosa. Ang mga tao na pulos basurang nobeleta ang binabasa o nahirati sa telenobela ay mauuwi sa makitid na pagtanaw sa sex at pagmamahal, at hindi malalayo sa hayop.  Ngunit makapagdudulot naman ng pambihirang libog at guniguni ang mga klasikong akda, halimbawa na ang mga tula o akda nina Lamberto E. Antonio, Pablo Neruda, Luis de Gongora, at Charles Baudelaire; at mahihigop tayo papaloob sa makukulay na daigdig at langit o impiyerno nina Marquis de Sade, Leopold von Sacher-Masoch, Dante Alighieri, at Edgardo M. Reyes. Sabi nga ni Llosa, ang mag-asawang mahilig sa literatura ay malalim kung umibig at makipagtalik kaysa karaniwang mamamayan.

Taliba ang panitikan, at mauunawaan natin ang propaganda na ipinalalaganap ng mga tiwaling institusyon o administrasyon. Mapaghuhunos tayo ng panitikan upang maging maingat sa prehuwisyo, at umiwas sa baluktot na pagtingin hinggil sa lahi, kasarian, paniniwala, at pandurusta. Higit nating mauunawaan ang nilalaman ng Saligang Batas at ng Batas Militar kapag hinalungkat ang mga nobela, tula, at dula na pawang nalathala noong dekada 1970-1990, at pinag-aralan ang satirikong sanaysay ng gaya nina Adrian Cristobal, Carmen Guerrero Nakpil, at Nick Joaquin,  o kaya’y ang mga tula nina Amado V. Hernandez, Rio Alma, Bienvenido Lumbera, Jose F. Lacaba, at Alfrredo Navarro Salanga.

Hahatakin tayo ng panitikan tungo sa madilim ngunit kapana-panabik na nakaraan, at ipagugunita sa atin na kahit may sariling lunan ang panitikan at ang kasaysayan, maaari ding magsalikop ang dalawa tungo sa kagila-gilalas na kabatiran. At ang mga tao, na nakibahagi sa gayong karanasan sa pamamagitan ng pagbabasa, ay magkakaroon ng panibago’t sariwang pag-unawa hinggil sa kaniyang sarili, sa kaniyang kapuwa, sa kaniyang bansa, at sa kaniyang diyos.

Pinadadakila ng panitikan ang isang bansa, at higit na nagiging kapaki-pakinabang ang wika. Sa pamamagitan ng mga tula, awit, nobela, kuwento, at dula ay umangat sa mataas na antas ang Tagalog, at naging saligan ng Filipino bilang wikang pambansa, bukod sa nagbabantang maging pangunahing wikang internasyonal. Mula sa panitikan, ang Filipino ay pinakinabangan na rin ng iba pang lárang, gaya sa Batas, Matematika, Pilosopiya, Agham, at Teklonolohiya, at higit na ngayong epektibong panturo sa mga mag-aaral kaysa Ingles. At kinikilala na rin ngayon ang mga manunulat na Filipino na nagsusulat sa Filipino doon sa ibang bansa, bagaman hindi sila kasintanyag nina Manny Paquiao at Precious Lara Quigaman.

Ang maalam sa panitikan ay hindi lamang lumalawak ang bokabularyo, wika nga ng batikang mangangathang Llosa, bagkus lumalawak din ang imahinasyon. Nakapagsasalita tayo nang maayos at malinaw dahil sa panitikan, dahil ang mga konsepto natin ay hindi maibubukod sa mga salita. Maibubulalas natin ang ating loob sa maririkit na pananalita, na mabibigong hulihin sa retrato, sayaw, pelikula, at pintura. Higit na epektibong mambabatas noon sina Francisco Tatad at Blas F. Ople dahil hindi lamang maalam sila sa batas, kundi malalim din ang pagkaunawa nila sa Filipino at panitikan ng daigdig.

Higit sa lahat, pinatatalas ng panitikan ang isip ng tao. Malimit naaapi ang mga dukha’t kulang-palad dahil hindi sila nakalalasap ng matitinong panitikan mula sa mga paaralan, aklatan, at tindahan. Samantala’y ang tao naman na bukás sa sari-saring panitikan ay mauunawaan ang kultura ng korupsiyon, ang diktadura ng makabagong balatkayo, at ang neo-kolonyalismo sa antas ng United Nations—sa panahong ang itim at ang puti ay malabo ang hanggahan ng pagkakakilanlan.

Oo, may malinaw na kakayahan ang panitikan na itaas ang ating pagkatao. Ngunit may isa pa itong kakayahan na dapat tuklasin ng madla. Na puwedeng pagkakitaan ng mga lalawigan ang panitikan, at magamit sa promosyon ng turismo at paglalakbay, gaya ng nagaganap sa Alemanya, Espanya, Italya, Japan, Pransiya, at Tsina. Magagamit ng Batangas, Bulakan, Laguna, Quezon, at Rizal ang mga panitikan nito habang nang-aakit ng mga turista. Gayundin sa Hilaga at Timog Ilokos, na ang mga klasiko’t modernong akda ng mga Ilokanong manunulat ay maitatampok habang ipinakikilala sa mga turista ang mga makasaysayang bayan, bahay, at bantayog. Sa Cordillera, Mindanao, Palawan, at Panay, ang mga panitikang bayan, gaya ng epiko, awit, at kuwento ay maaaring iugnay sa promosyon ng turismo.

Kung babalikan ang datos at kinikita ng National Bookstore sa buong bansa, ang 60 porsiyento ng mga nabibiling aklat at babasahin nito ay pawang isinulat ng mga Filipino at nasusulat sa Filipino, at kaugnay ng panitikang Filipino, ayon sa aking panloob na impormante. Kaya hindi totoo na pulos na Ingles at imported na babasahin ang kumikita sa naturang higanteng tindahan. Kung makapagpapakalat lamang ng mga aklat, gaya ng nobela, tula, at sanaysay sa buong bansa, ang kapuwa pabliser at awtor, kasama na ang mga ahente,  ay malaki ang kikitain. Makasasabay din sa mga tradisyonal na awtor ng teksbuk ang mga malikhaing manunulat, at mababawasan kahit paano ang mga naghihikahos na manunulat.

Isang kaululan kung gayon kung paniniwalaan ang mga kongresista at senador na gawing Ingles ang midyum ng pagtuturo sa Filipinas. Higit na makatutulong sa bansa kung aatupagin ng nasabing mga mambabatas ang pag-usisa sa kurikulum ng Kagawaran ng Edukasyon, at ang pagpapalaganap ng panitikan at wikang Filipino, kaysa tila maging bayarang tinig lamang ng mga international call center.

Pahabol
Kahit ang mga lokal na call center ay dapat maghanda na sa pagtanggap ng mga kawaning mahusay magsalita at umunawa sa Filipino at nakaaalam kahit paano sa panitikang Filipino. Ito ay sa dahilang malapit nang umabot ang populasyon ng Filipinas sa 100 milyon, na magtatampok sa Filipinas upang mapabilang ito sa mga higanteng bansa, alinsunod sa populasyon. Sa ganitong pagkakataon, maraming kliyenteng Filipino ang tatawag sa telepono at gagamit ng internet sa pamamagitan ng wikang Filipino. Kaya ang mga call center ay hindi na lamang tutugon sa mga pangangailangan ng mga tradisyonal na kliyenteng Amerikano o Briton, bagkus sa milyon-milyong Filipinong maaaring nandarayuhan o mamimili o negosyanteng ibig makipag-usap sa Filipino. Kaya kapag hindi nakinig ngayon ang batasan, ang industriya, at ang pamumuhunan sa alimpuyo ng Filipino, inaasahan ang napipinto nitong pagbagsak dahil sa pagtalikod sa dapat sanang pag-alimbukad.

Multo sa Pambansang Aklatan

Nabuksan muli ang sugat sa Pambansang Aklatan nang ibaba ang hatol ng hukuman sa mga nasasakdal sa paratang na pagnanakaw ng mga antigong dokumento. Napatunayang nagkasala si Rolando Bayhon y Facinado, ang dating mananaliksik ng National Historical Institute (NHI), sa pagnanakaw ng mahahalagang dokumentong aabot sa 1,859 piraso at pagbibili niyon sa mga kolektor. Samantala’y napawalang-sala naman ni Maria Luisa Moral, na dating hepe ng Filipiniana and Asia Division, dahil walang matibay na ebidensiya na kasangkot siya sa nakawan o kapabayaan. Ibinalik ni Moral noong 12 Mayo 1994 ang 97 dokumentong historikal, na aniya’y nawaglit kung saan sa aklatan noong panahon ng reorganisasyon, ayon na rin sa ulat ng Valliente P. Barroga, ang hepe ng seguridad sa aklatan. Matatapik naman sa balikat si Adoracion Bolos, ang dating tumatayong direktor noon ng aklatan, sapagkat isinulong niya ang proteksiyon sa mga bibihirang dokumento, aklat, at rekwerdo laban sa mga ganid na magnanakaw, at nangampanyang ibalik sa nasabing tanggapan ang mga nawawalang sinaunang dokumento at papeles.

Ayon sa testimonya ni Vincent Padua, ang may-ari ng Manila International Coins and Stamps Center, ipinagbili sa kaniya ni Bayhon ang ilang orihinal at antigong dokumento noong 1992. Sinuhayan ni Bolos ang nasabing testimonya at pinaniwalaan naman ni Hukom Thelma Bunyi Medina ng Manila Regional Trial Court, Sangay 32.

Nalulungkot ako kay Bayhon, na dating katuwang ni Direktor Serafin Quiason ng NHI, dahil hitik sa kaalaman at kadalubhasaan ang kaniyang utak para pahinugin lamang sa loob ng bilibid. Ngunit higit pa rito, nakasisira ng loob ang kaniyang halimbawa dahil sinayang niya ang pagtitiwala na ibinigay sa kaniya ng mga kawani ng Pambansang Aklatan. Ayon sa kolektibong sulat ng mga kawani ng Pambansang Aklatan na may petsang 18 Nobyembre 1993, “binigyan ng buong tiwala para magsaliksik” si Bayhon sa Filipiniana and Asia Division, lalo sa Rare Book and Manuscript Section dahil nagtatrabaho siya sa NHI na halos kalapit-opisina ng aklatan. Ang pagnanakaw ng dokumento at pagbebenta niyon sa kung sinong kolektor ay maituturing namang pagtataksil sa bayan, na puwedeng tumbasan ng parusang bitay kung nagkataong may batas hinggil sa gayong kasalanan.

Makaliligtas lamang marahil si Bayhon, kung isusulat niya ang lahat sa serye ng mga aklat at nang maiwasang maibaon sa limot ang kasaysayan ng Filipinas. Ang pagsusulat ang tanging paraan upang maibalik ni Bayhon ang naglahong tiwala sa kaniya ng madla.

Hindi ordinaryong mananaliksik si Bayhon. Matinik siya sa mga wika, gaya ng Espanyol, Tsino, at Ingles, at alam na alam ang bituka ng aklatan at artsibo. Nang pasadahan ko ang kaniyang mga notbuk at papeles na pawang nasamsam ng pangkat ni Bolos noong 1994, nagulat ako sa masinop niyang pagtatala ng mga pangyayari at pook at petsa at sanggunian, halimbawa ukol sa mga buhay-buhay ng mga maykayang pamilyang Filipino o Tsino o Espanyol, na pawang lingid sa kaalaman ng madla. Napakaliit din ng sulat-kamay ni Bayhon, at tila kahit sa kaniyang pagsulat ay inililihim ang napakahalagang bagay na kaniyang ibig saliksikin. Hindi ko alam kung saan napunta ang mga rekord na ginawa ni Bayhon. Kung pag-aaralan iyon nang maigi ay baka makatuklas ng ilang pahiwatig kung sino ang iba pang sangkot sa nakawan.

Kagila-gilalas ang koleksiyon ng mga bibihirang aklat at dokumento sa Pambansang Aklatan, dahil taglay niyon ang mahabang kasaysayan mulang panahon ng pananakop ng Espanyol hanggang Amerikano at Hapones. Maipagmamalaki rin iyon sa buong mundo, ani ilang eksperto, dahil naging malalim na kamalig ng ugat, kultura, at buhay ng mga Filipino sa iba’t ibang yugto ng panahon. Umugong ang tsismis sa nakawan ng mga dokumento noong 1976, nang minsang mapansin iyon ni Glenn Anthony May, ngunit maaaring matagal nang nagaganap ang pagpupuslit. Kinumpirma ni William Henry Scott ang nasabing nakawan, at sinegundahan pagkaraan ni Ambeth Ocampo.

Nagsimula ang mahabang imbestigasyon sa nakawan sa aklatan noong ikalawang linggo ng Setyembre 1993, nang may mahiwagang impormanteng nagbigay ng tip kay Bolos ukol sa lalaking nagbebenta umano ng mga antigong dokumentong mula sa Pambansang Aklatan. Inilarawan ng impormante ang itsura ng suspek, at nagkataon namang kahawig iyon ni Bayhon na malimit magsaliksik sa Filipiniana Division, ayon na rin sa rekoleksiyon ni Bolos. Noong 27 Setyembre 1993, sumulat si Bolos sa National Bureau of Investigation (NBI) upang tiktikan ang suspek. Batay sa paniniktik ng pinagsamang puwersa ng NBI at tauhan ni Bolos, nakumpirma nilang nagtutungo sa Money Tree Antique Store sa Ermita, Maynila si Bayhon upang doon magbenta ng mga dokumento.

Ang nasabing tindahan ay pag-aari noon ni Rufino Fermin, at sinampahan din ng kaso ng NBI sa bisa ng Anti-Fencing Law (Pampanguluhang Dekreto Blg. 1612).

Hindi nagwawakas kay Bayhon ang pangyayari. Para kay Bolos, si Bayhon ay maaaring maliit na bahagi lamang ng isang network, at ang network na ito ay sindikatong posibleng kinasasangkutan ng mga importanteng tao, gaya ng maykayang pamilya, istoryador, intelektuwal, mananaliksik, at manunulat na pawang malaki ang pagpapahalaga sa kasaysayan, o ang karera ay nakatuon sa kasaysayan o kultura. Mabuti at may ilang nagkusang maging tagapamagitan, kung tagapamagitan mang matatawag, upang maibalik ang mahahalagang dokumentong nangawala, gaya ng Philippine Revolutionary Records (PRR)—na dating tinawag na Philippine Insurgent Records—na ang bawat pahina’y literal na tigmak sa dugo at pinarupok ng panahon, at nakasilid sa plastik na folder. Ayon sa NBI, ang suma-total ng mga dokumentong naisauli sa Pambansang Aklatan noong 1994 ay umabot sa 8,183 dokumento, sa pakikipagtulungan ng gaya nina Milagros C. Guerrero, Emmanuel V. Encarnacion, Edmund Chan, Fernando M. Gaite, Jr., at Vincent Padua.

Isinauli ni Guerrero ang 6,289 dokumento. Ang kolektor ng mga antigo at memorabilya na si Encarnacion ay nagsauli ng 24 dokumento. Isinauli ni Chan ang 1,859 dokumento. At si Gaite ay isinauli ang 11 dokumento. Naging pawang tagapamagitan lamang diumano sina Guerrero, Encarnacion, at Chan, samantalang si Gaite ang tahasang nagtayang sabihin ang pinagmulan ng isinauli niyang dokumentong historikal. Nagsauli naman si Padua ng 700 pirasong dokumentong ipinagbili sa kaniya ni Bayhon, ayon sa ulat ng Inquirer.net. Ang mga nangaglahong PRR noon ay inilathala sa elektronikong paraan ngayon sa Filipiniana.net na pinatatakbo ng Vibal Foundation na hinirang ang gaya ni Moral na maging konsultant sa proyekto.

Makirot magpahangga ngayon ang nakawan sa Pambansang Aklatan. Maraming tao ang nasangkot, ngunit may mga aral na matututuhan sa pangyayari. Una, kailangang gawing modernisado ang pambansang aklatan, bigyan ng sapat na pondo ng pamahalaan, itaas ang suweldo ng mga kawani ng aklatan, at pag-ukulan ng seguridad sa hanay ng mga awtoridad. Ikalawa, dapat gumawa ng batas ang kongreso hinggil sa nakawan sa aklatan at artsibo, itaas ang parusa sa nagkasala o magbigay ng insentibo sa sinumang makapagsasauli ng mga ninakaw na dokumento. May sinimulan si Leticia Ramos-Shahani noon, ngunit hanggang sa pagdinig lamang sa batasan ang naganap at nananatiling pangarap pa lamang ang batas. Ikatlo, kailangang balikan ng taumbayan ang mga dokumentong historikal mula sa pambansang aklatan. Kailangang makilahok ang publiko sa pag-alam ng kasaysayan ng Filipinas, nang sa gayon ay hindi mabulok lamang iyon sa malamig na silid ng artsibo at kaha de yero ng pambansang aklatan. At ikaapat, kailangan ang mga bagong manunulat, mananaliksik, at istoryador na mapagkakatiwalaan at pawang handang magsulat hinggil sa kasaysayan at kultura ng Filipinas, alinsunod sa punto de bista ng mga Filipino at sa wikang Filipinong mauunawaan ng nakararami. Ito lamang ang paraan upang maisalba natin ang ating mga sarili.

Sinumang may hawak ng karunungan hinggil sa kasaysayan, at nagsusulat nang matalim, ang walang pasubaling nag-aangkin ng kapangyarihan sa paghubog ng kamalayan ng madla. Batid kong alam ito ni Bayhon, kaya masigasig siyang magsaliksik at maglunoy sa mga inaagiw na pahina ng kasaysayan. Ang pagbebenta niya ng mga antigong dokumentong pag-aari ng Pambansang Aklatan ay masisipat na sumasampal sa maykapangyarihan, at nililibak ang kamangmangan nito dahil sa kapabayaan. Ano ang ilang libong piso kapalit ng mga dokumentong sinauna? Maaaring maliit iyon para sa mga kurakot sa gobyerno. Ngunit napakalaki kung isasaalang-alang ang napakaliit na suweldo ng mga kawani sa pamahalaan, at ang malalim na malig ng Filipinas na nanganganib maglaho nang ganap.

Magtulungan tayo na papaghilumin nang ganap ang sugat sa Pambansang Aklatan ng Filipinas, ibalik ang dati nitong ringal o kadakilaan, at wakasan ang mga dating iringan sa hanay ng mga istoryador, kolektor, librarian, at manunulat. Tapos na ang panahon ng pagsisisihan. Nagbigay na ng hatol ang hukuman, bagaman maaaring umapela pa rin si Bayhon. Tayo lamang ang makatutulong sa ating sarili. Mangarap tayo na hindi na muling mauulit pa ang ginawa ni Rolando Bayhon, na ang dating mananaliksik na istoryador ay siya ngayong nakatampok bilang multo sa madilim na kasaysayan ng ating panahon.  

Follow

Get every new post delivered to your Inbox.

Join 155 other followers