About these ads

Hinilawod at Resureksiyon

May 35 taon na ang nakalilipas, itinanghal sa Sentrong Pangkultura ng Pilipinas ang operang Hinilawod na batay sa epikong Panay. Ang nasabing epiko ay matapat na itinala ni F. Landa Jocano, na isang antropologo; isinadula at hinalaw ng batikang manunulat na si Iñigo Ed. Regalado; nilapatan ng musika ni Alfredo S. Buenaventura; at idinirek sa entablado ni Jaime V. Asencio. Bagaman si Jocano ang nagpatanyag ng Hinilawod, at gagawan ng lagom ni E. Arsenio Manuel, mauuna kay Jocano si Eugenio Ealdama na sumulat ng artikulo ukol doon sa Philippine Magazine noong 1938.

Pinakabagong saliksik naman ang inihain ni Gina V. Barte, na lumagom sa ikalawang siklo ng Hinilawod, na ang ilang bahagi ay sinipi ni Corazon D. Villareal sa kaniyang aklat na Siday: Mga Tulang Bayan ng Panay at Negros (1997). May lagom din ng Hinilawod na mula sa tala ni Alejo Zata, at mababasa sa internet. Magandang balikan sa aking palagay ang nasabing epiko dahil maaaring ang transpormasyon niyon ay tumagos hindi lamang mulang dula at opera bagkus hanggang pelikula at telenobela tungong komiks at larong video.

Hango umano ang “Hinilawod” sa dalawang salita: ang “hini” na ang ibig sabihin ay “tunog” o “himig”; at “lawod” na ang ibig sabihin ay “dagat.” Ang “Hinilawod” kung gayon ay maaaring mangahulugan na “Himig ng Dagat” o sa matalinghagang salin ay katumbas ng “Himig mula sa tabing-dagat.” Ang ganitong palagay ay unang binanggit ni Villareal, at inugat sa haka ni Jocano na dating naninirahan sa baybayin ang mga tagabundok ngayong Panayon. Posibleng naganap umano ang isang malawakang migrasyon, at ang mga tao ay lumipat tungong iraya at doon nagsimula ang paglilipat ng epiko.

Sari-sari ang bersiyon at kapana-panabik ang mga tagpo ng Hinilawod, ngunit ang isa sa mahahalagang aspekto nito ay ang resureksiyon at pagbabagong-anyo ng pagmamahal.

Sa opera ni Regalado, ipinakilala ang marikit na si Malintang, na nagtataglay ng mga katangian ng kapuwa mortal at sobrenatural. Lumitaw siya isang gabi sa panaginip ng mandirigmang si Humadapnon, at hinimok ng naturang dilag na hanapin siya ng binata. Nabulabog ang pandama ni Humadapnon, at nabatubalani sa dalaga, at nagsimulang hanapin si Malintang sa tulong ng kaniyang mga kawal.

Pumalaot si Humadapnon sakay ng kaniyang barangay, at napagawi sa isang yungib ng pulong tahanan ni Guinmayan at ng kaniyang mga binibining tagasunod. Taglay ni Guinmayan ang kapangyarihan ng kapuwa mangkukulam at diwata, at inakit si Humadapnon na doon tumira sa pulo at nangakong ibibigay sa kaniya ang walang hanggang pagmamahal. Pinaglaho din ni Guinmayan ang mga kawal ni Humadapnon sa pamamagitan ng kaniyang itim na kapangyarihan, at ibinilanggo ang lalaki sa pulo upang maangkin nang lubos.

Darating isang araw si Malintang, na nakabalatkayong lalaki at tangan ang tabak, upang saklolohan si Humadapnon. Nailigtas nga si lalaki; ngunit hindi magtatagal ang masayang pagsasama nina Malintang at Humadapnon dahil kailangang umalis muli si Humadapnon at tupdin ang tungkulin para sa lipi. Nangako si Humadapnon na magbabalik sa piling ni Malintang, at mamahalin ang dalaga hanggang wakas. Subalit nang malayo na si Humadapnon, sapilitang ipinakasal si Malintang ng kaniyang ina kay Sumagulong, alinsunod sa kasunduang pinagtibay ng dalawang mag-anak simula nang ipanganak sina Malintang at Sumagulong. Hahabol sa kasalan si Humadapnon, at papatayin si Malintang sa pag-aakalang nagtaksil ito sa kaniya.

Yayao si Malintang sa paanan ni Humadapnon, lilitaw naman ang mga anito o diwata, at isasaysay nila ang wagas na pag-ibig ng dilag kay Humadapnon. Papayuhan din ng naturang mga sobrenatural na maykapal si Humadapnon na dalhin ang bangkay ng dalaga doon sa Hinilawod, at mag-alay ng panahon at bantayan siya. Tinupad ni Humadapnon ang bilin sa kaniya, at sumilang ang araw na muling nabuhay si Malintang. Nagwakas ang opera sa pag-asang magsasama nang masaya at walang katapusan ang dalawang nilalang.

Marami pang hiyas na mahuhugot mula sa iba’t ibang epikong bayan ng Filipinas. Kailangan lamang natin itong halungkatin, pag-aralan muli, at sipatin sa pambihirang anggulong mula sa pananaw nating mga Filipino.

About these ads

4 Tugon

  1. salamat po dito Sir Bob. Nakasulat ako ng tula dahil sa istoryang ito. :)

  2. hi guys! plug lng po ulit
    – available na po yung chapter 13 ng walang paglagyan sa tagalog online pocketbook
    http://tagalogonlinepocketbook.wordpress.com/2008/05/07/kabanata-13-walang-paglagyan/
    – need ko lang po tlaga ng suggestion pra sa last two chapters kasi lately na ba-blanko isipan ko, pasensya na.

  3. Bakit poh iba ang character sa english kaysa sa tagalog?
    mas maraming character ang sa english na nakakapapagulo kaysa sa tagalog? confuse lang po at nagugluhan

    • Iba ang pinagmumulan ng Ingles kaysa Tagalog, at magkasalungat ang polo ng dalawang wika. Gumugulo lamang ang Tagalog, o sabihin nang Filipino, dahil ang pagpapantig ng Ingles ay pilit inilalahok sa Tagalog o Filipino. May ibang salita rin sa Ingles na buong-buong hinihiram sa Tagalog o Filipino, kaya ang pagpapantig nito ay magmumula sa Ingles. Samantala, may ilang salita sa Ingles ang pinapantig na sa Filipino, kaya ang naturang hiram na salita ay ganap na naaangkin ng mga Filipino.

Mag-iwan ng Tugon

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Palitan )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Palitan )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Palitan )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Palitan )

Connecting to %s

Follow

Get every new post delivered to your Inbox.

Join 155 other followers

%d bloggers like this: