Isang tula, na pinamagatang “Propaganda ng mga insurekto ng himagsikan sa Kastila” ang nalathala sa Pagsasarili noong 1947. Ang Pagsasarili, na kombinasyon ng kalendaryo at almanake, ay hinalaw at sinulat ni G. Mamerto Tianco. May 84 pahina ang nasabing lathalain, at ang maganda’y may lahok doong dagli, dula-dulaan, sanaysay, balita, kawikaan, bugtong, kalendaryo, almanake, aliwan, pagkain, at iba pa.
Matagal ko nang iniingatan ang tulang nabanggit, at nais ko ngayong ibahagi sa mga kabataang patuloy na inuusig ng awtoridad dahil sa kanilang ipinaglalaban para sa bayan. Ang tula’y nasa sinaunang baybay ng Tagalog, at lalapatan ko ng bagong pagbaybay upang madaling maunawaan.
Ang tulang “Propaganda ng mga insurekto ng himagsikan sa kastila” ay sinulat ng makatang nagtago sa sagisag panulat na “Soliman.” Ang “Soliman” ay hango sa salitang Arabe, na katumbas ng “Solomon” sa Ingles. Taliwas sa pamagat, ang tula’y hindi karaniwang propaganda lamang, dahil ikinukubli ng tula sa pamamagitan ng pahiwatig ang mga ginawang pang-uusig ng mga Kastila sa mga manghihimagsik na Tagalog. Ang mga manghihimagsik ay tatawagin noong “insurekto,” “rebelde,” “magnanakaw,” “taksil,” at “tulisan,” ngunit ang gayong pananaw ay mula sa banyaga. Para sa mga Tagalog noon, ang mga manghihimagsik ay “bayani” at patutunayan ito ng kanilang wagas na pagsasakripisyo ng buhay upang lumaya ang sambayanan.
Dapat ding tandaan na ang Tagalog o ang Katagalugan noon ay hindi ginagamit sa panrehiyong aspekto, gaya ngayon. Ayon kina Andres Bonifacio at Emilio Jacinto, ang Katagalugan ay sumasaklaw sa buong bansa, at ganito ang isasaad kahit sa Vocabulario de la lengua tagala (1860) nina Juan de Noceda at Pedro Sanlucar.
Propaganda ng mga insurekto ng himagsikan sa kastila
Kailangan pa kaya na aming tawaguin at taghoy taghuyan ang iniyong damdamin? kila ba kaya ang mga pagbaril sa mga kalahing kung sabihi,i, taksil? O tulisan kaya kundi magnanakao tayong sinisiil sa sariling bayan ang ibig magtangol ng ating katuiran ang Ley ng bala,’i siyang pinaiiral? Sundalong tagalog sa ganitong sakit gawa ng kastila,i, bakit natiti[i]s? huala kaya kayong ama o kapatid na isa sa madlang ngayo,i, inuusig? Kung huala man nito,i., dinasasalahan sa nanga sa bundok kahit isang pinsan ang tagalog kaya,i, iniyong natitingnan hulihi,t, pataing parang hayop lamang? Nasaan ang awa,t, nasaan ang habag nasaan ang iniyong tunay na paglingap kaming inu-usig sa lahat ng oras hindi kaya tantong kababayang lahat?
Na maisasalin sa bagong ortograpiya sa ganitong paraan:
Kailangan pa kaya na aming tawagin at taghoy-taghuyan ang inyong damdamin? Nakilala ba kaya ang mga pagbaril sa mga kalahing kung sabihi’y taksil? O tulisan kaya kundi magnanakaw tayong sinisiil sa sariling bayan ang ibig magtanggol ng ating katwiran ang Ley ng bala’y siyang pinaiiral? Sundalong Tagalog sa ganitong sakit gawa ng Kastila’y bakit natitiis? Wala kaya kayong ama o kapatid na isa sa madlang ngayo’y inuusig? Kung wala man nito’y di na sasalahan sa nangasa-bundok kahit isang pinsan ang Tagalog kaya’y inyong natitingnan hulihi’t patayin parang hayop lamang? Nasaan ang awa’t nasaan ang habag nasaan ang inyong tunay na paglingap kaming inuusig sa lahat ng oras hindi kaya tantong kababayang lahat?
May tiyak na kausap ang persona sa tula. At mahihiwatigang ang kinakausap niya’y ang madla na kung hindi nananahimik, ay isinasantabi ang ginagawang kabagsikaan ng mga banyagang Kastila. Hinihimok din ng persona na mag-alsa ang kaniyang kausap, at huwag hayaang apihin ng mga banyaga ang mga kababayang Tagalog.
Payak lamang ang tula ngunit nakakikilabot pa rin hangga ngayon. At kung babalikan ang mga paratang na paglabag sa mga karapatang-pantao sa administrasyong ito, parang nauulit, o inuulit lamang, ang agos ng kasaysayan.
Filed under: Kritika,Makatang Filipino,panitikang Filipino,panitikang Tagalog,sanaysay Minarkahan: | himagsikan,insurekto,Kamatayan,karapatan,propaganda,tula,Tulang Tagalog


wow! at talagang makata!