Hindi niya kailanman pinaniwalaan si Bakunawa. Kay Allah lamang siya nananalig, gaya ngayong sumapit ang di-maipaliwanag na lahò. Tila pelikula ang tagpo, at ramdam niyang isa siya sa mga gumaganap ng papel. Nagtilaukan ang mga manok. Umalulong ang mga aso. Nagkulumpon sa gitna ng bukid ang mga baka at kambing. Humarap siya tungo sa inaakalang lunan ng Mecca, nangangatal na lumuhod, inusal ang sagradong mga salita, at nagsumamo sa kalangitan. Inulit niya ang panalangin. Maya-maya’y lumitaw ang pangitain ni Ayatollah Khomeini sa kaniyang isip, nanlilisik ang mga mata, inuusig ang mga kafir at makasalanan. Walang ano-ano’y may tumapik sa kaniyang balikat, at hinihimok siyang lumikas, dahil paparating na ang mga eroplanong tumatakip sa buong sinag ng araw.
Filed under: panitikang Filipino,Roberto T. Añonuevo,tula ni Roberto T. Añonuevo,Tulang Filipino,Tulang Tuluyan Minarkahan: | bakunawa,Filipino,kafir,kalangitan,tula,Tulang Tuluyan

Maganda naman kaso lang medyo maikli, para sa akin lang, di ko lang alam sa iba!