Tungkol sa mga ad na ito

WikiFilipino at Himagsikan sa Himpapawid

Naganap kahapon (31 Enero 2008) ang pinangangambahan ng lahat. Tahimik na kumalat gaya ng apoy ang bagong himagsikan sa himpapawid nang litisin ng mga batikang kritiko sa Filipinas ang pagbubukas ng WikiFilipino.com, ang pinakabagong websayt na kapatid ng Wikipilipinas. Nayanig ang Annabel’s Restaurant sa balitaktakan, ngunit umuwi naman ang mga panauhing may taglay na pag-asa hinggil sa kinabukasan ng bansa nila.

Nagtipon-tipon ang mga istoryador, manunulat, akademista, blogista, at iba pang alagad ng sining na pawang mainit na tinangkilik ang bagong proyekto ni Gaspar A. Vibal. Kabilang sa mga dumalo sina Dekano at Pambansang Alagad ng Sining Virgilio S. Almario, Zeus A. Salazar, Efren R. Abueg, Teo T. Antonio, Soledad S. Reyes, Benilda S. Santos, Galileo Zafra, Mary Jane Rodriguez, Vina Paz, Ramilito B. Correa, Alvin Yapan, Patrocinio Villafuerte, Leonida Villanueva, George Fabros, Christina Chioco, at iba pang kilalang tao.

Tampok sa munting talakayan ang pagpapakilala sa WikiFilipino.

Hindi ko inaasahan na tatanggapin ng mga kritiko ang nasabing websayt, at iginiit pa nila na higit payabungin pa ito dahil sa pagtataglay ng mithing “lumikha ng aktibong imbakan ng karunungan at karanasan ng mga Filipino para sa mga Filipino.”

Nakasalig ang WikiFilipino sa konseptong “bayanihan ng sari-saring tao at institusyon na bagaman iba’t iba ang paniniwala at ang uring pinagmulan” ay pinagbubuklod ng adhikaing lumikha ng Aklasang Bayan sa Himpapawid (People Power Online) para sa kinabukasan ng Filipino saanmang panig sila naroroon” sa pamamagitan ng pagsusulat.

Pangunahing salik ng websayt ang paggamit ng wikang Filipino at paglilinang ng diskursong Filipino. “Palagi na lamang nakikipag-usap at nagpapaliwanag ang mga Filipino sa mga banyaga,” pansin ng batikang istoryador na si Salazar, “at panahon upang mag-usap-usap ang mga Filipino sa isang pambansang wika!”

Isinusulong ng WikiFilipino ang mataas na kalidad ng paggamit ng wikang Filipino, at taliwas sa Wikipedia Tagalog na “Ingles na Tinagalog” ang hagod ng wika. Higit pa rito, sinisikap ng WikiFilipino na kumatha ng mga akdang magiging pamantayan sa pagsulat sa iba’t ibang lárang, mulang sining at agham hanggang kasaysayan at aliwan hanggang batas at isports.

Ang totoo’y nakalalasing ang pambihirang talakayang naganap. Halos walang patid ang pukol ng mga salita at opinyon, at walang sinanto ang mga panauhin kahit sinuman sa panig ng pamunuan ng wikipilipinas.com. Mabuti naman ang nangyari, dahil sa unang pagkakataon ay narinig mula sa mga kritiko at eksperto ang niloloob nila hinggil sa pagsusulat, pamamahagi ng mga akda, pangangalaga sa kabansaan, paggamit ng wikang pambansa, at iba pa.

“May nasimulan na,” sambit ng makatang Antonio, “at kung paano ito itutuloy ng Vibal Foundation ang dapat abangan.”

Gusto ko lamang tumoma nang sandaling iyon, dahil napakataas ng aking adrenalin. Ang magiging tagumpay ng WikiFilipino, naisip ko, ay hindi lamang maaangkin ng pamilyang Vibal, bagkus ng buong sambayanang Filipino. At kung ano ang kahihinatnan ng WikiFilipino ay nakasalig ngayon sa mga kamay ng sinumang magiging kapitan nito.

Kaya abangan natin ang WikiFilipino. At inaasahan ko ang pinakabagsik na puna, mungkahi, at tanong para lalong mapahusay ang websayt na ito.

Hayaan muna ninyo akong tagayan ang mga tao na lihim na kumayod para sa WikiFilipino. Nabitin ako sa serbesa, at maya-maya’y tiyak kong magyayaya na naman ang mga kaibigan kong mahilig sa pulutan at lason.

Tungkol sa mga ad na ito

Mag-iwan ng Tugon

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Palitan )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Palitan )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Palitan )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Palitan )

Connecting to %s

Follow

Get every new post delivered to your Inbox.

Join 165 other followers

%d bloggers like this: