Sisikip ang mga lansangan sa mga kumpeti at sasakyan. Aalingawngaw ang tinig na magpapakilala sa mga bathala. Nuwebe de Pebrero. Ito ang sandali ng digmaan ng lahat ng digmaan. Sa Kalye Olympus ay maghahari si Zeus, at itataboy ng libak ng pagkagapi si Kronus. Magtatagumpay si Zeus sa tulong ng mga pangitain ni Prometheus, at di maglalaon ay ipupuslit ang apoy na nakasilid sa pasyok para sa mga abang nilikha.
Sa ngalan ng agham at sining, maisasalin ang apoy ng paglikha sa kamay ng mga dukha. Mayayanig ang mga anito sa kanilang pedestal, at matutuklasan nila ang daigdig na kumikitid sa paglitaw ng mga bagong Maykapal. Mag-aaway ang mga tao sa ibabaw ng entablado at himpapawid. At ihahalal ng sambayanan ang tanyag na diktador. “Laban, laban, laban!”
Ano ang silbi ng mata kung hindi nakakikita? Ano ang silbi ng utak kung mananatiling hungkag? Ano ang silbi ng mga metalikong halimaw at kabayo kung hindi mapaaamo ng mga hukbo? Marami pang tanong ang sasagutin ng tatlong pilas na Kapalaran, at ang kapalarang ito ang haharapin kahit ng sukdulang diktador.
May karapatan ang kalangitan na utusan si Hephaistos na pumanday ng mga tanikala para sa dambuhalang Prometheus. May monopolyo ng karunungan at apoy, ani Zeus, at apoy at talentong nararapat sa dibinong lahi. Matutunghayan ng mga anak ni Okeanos ang bilanggo sa guwang at dilim, ngunit ipagkakait ni Prometheus sa mga kapuwa bathala ang pagpapamalas ng munti mang hinanakit. At matutuklasan ni Okeanus ang kaniyang guro mula sa sinapit na kamalasan ng inmortal na bilanggo.
Gayunman, may kirot kahit sa pananahimik. Darating tuwing hatinggabi ang dambuhalang banog na lalapa ng atay ng inmortal, at magugunita ni Prometheus ang mga kataga ng kaniyang ina. “Ang kapalaran,” ani Themis, “ay hindi nagmumula sa sandata o lakas. Bumubukal ang gahum at tagumpay mula sa karunungan!” Sisigabo ang taltalan sa himpapawid. Magtatalo ang mga opisyal sa pagbilang ng mga boto at bangkay. Mag-aagawan kahit sa puwesto at buto ang mga aso ng senado.
At mabibitin ang pasiya kung sino ang hahaliling dakilang panginoon.
Bakit kailangang hintayin ang supling ni Io? Magnanasa si Zeus sa pinili niyang marikit na dalaga, at ang supling niya ang siya ring papaslang sa kaniya. Sa ngalan ng ama ay lilitaw ang tagapagligtas na anak. Sa ngalan ng anak ay lalaya mula sa pagkakapiit ang tagapaghatid ng liwanag sa lupa. At sa ngalan ng ina ay mababatid ng daigdig ang katuparan ng hula. May karapatan ang sinumang diktador na pangalagaan ang kaniyang kaharian. Hayaang magdusa si Prometheus at ang kapatid niyang si Atlas dahil sa pagsalungat sa dibinong kautusan.
Walang puwang sa langit ang sinungaling at taksil. Walang puwang sa langit ang tagapagpalaganap ng bait. Walang puwang sa langit ang kakampi ng mga mortal. Ako lamang, sigaw ni Zeus, ang may karapatang wasakin ang sariling kaharian! Hayaang magpista ang lahat. Ilabas ang mga banda ng musiko. Ihain ang masasarap na alak at pulutan. Magdiwang nang hubo’t hubad, at malaya ang sinumang makipagkarat sa minamahal. Magpakalasing, oo magpakalasing, samantalang abala ang mga makina sa tungkuling nakakiling sa kinabukasan ng kataas-taasan, kagalang-galang na Maykapal.
“Ang Diktador,” tulang tuluyan ni Roberto T. Añonuevo. 9 Pebrero 2010.
Inihanay sa: Tulang Tuluyan, tula | Minarkahan: bathala, diyos, gahum, halalan, kapangyarihan, liwanag, parusa, tagumpay, Tulang Tuluyan | Mag-iwan ng Puna »









